Friday, February 4, 2011

This image by captured by Carmel Crimmins
(http://www.reuters.com/article/2007/09/05/us-philippines-abortion-idUSMAN29804620070905)
Ang kuwento sa likod ng larawang ito ay tungkol sa isang 44-na-taong gulang na ina na nagpapalaglag ng kanyang dinadala sa isang manghihilot sa isang lugar sa Maynila. Siya ay nagbayad ng mahigit na isang daan at limampung piso (P150) upang sumailalim sa ganitong operasyon. Ang dahilan daw ng babaeng ito ay ang dinaranas nilang kahirapan. Mabuti na raw iyan kaysa maisilang ang bata at maranasan ang gutom at hirap sa bansang ito. Tama ba ang ganitong katwiran upang kumitil ng buhay ng isang sanggol na hindi pa man lamang nakikita ang mundo sa labas ng sinapupunan ng kanyang ina?

Ang larawan sa itaas ay isang tipikal na senaryo sa ating bansa. Ang aborsyon o pagpapalaglag ng isang sanggol ay pinaparusahan ng mahigit na anim na taon ng pagkakabilanggo ayon sa Revised Penal Code ng ating bansa ngunit bakit marami ang sumasailalim sa mga ganitong operasyon at marami pa rin ang mga nagsasagawa nito? Ang aborsyon din ay kinokontrahan din ng Simbahang Katolika dahil itinuturing itong gawain ng makakasalanan. Bakit marami pa rin ang sumasailalim sa operasyong ito dito sa itinuturing maka-Diyos na bansa?

Ang aborsyon ay kaugnay rin ng mga di-inaasahang pagbubuntis at maagang pagbubuntis. Ayon sa statistika, mahigit na 1.43 milyong Pilipina ang dumaranas ng mga di-inaasahang pagbubuntis. (Ang ganitong mga sitwasyon ay babalik rin sa mainit na usapin tungkol sa RH Bill na ipinagbabawal din sa ating bansa, ngunit tama bang iasa sa mga contraceptives ang pag-iingat ng mga kababaihan? Sa tingin ko, hindi.) Sa 1.43 milyong kababaihang nabanggit, 54% dito ayang mga nagpalaglag ng kanilang mga dinadala. Bawat isa sa kanila ay may sari-sariling dahilan at ang lahat ng ito ay kaugnay sa kahirapan. May mahigit na 473,000 na kaso ng aborsyon taun-taon, ayon sa statistika at sa tuwing tinatanong kung bakit sila nagpapalaglag, 72% ang bumabanggit ng gagastusin sa pagpapalaki ng bata, 54% ang nagsasabing masyado na silang marami sa pamilya at 57% ang nagsasabing masyado raw maagang nasundan ang huli nilang ipinagbuntis. Ngunit dapat din nating isipin na tayo ang responsable sa ating mga ginagawa. Wala namang nabubuntis nang hindi nalalalaman kung pano sila nabuntis. Imposibleng walang nangyare bago nabuntis ang isang babae. Dapat panagutan ng mga magulang ang kanilang mga anak kahit na hindi pa ito naisisilang.

Ayon sa mga dalubhasa, isang mapanganib na operasyon ang aborsyon. Ang mga kababaihang sumasailalim dito ay nilalagay ang kani-kanilang mga buhay at kalusugan sa peligro dahil sa mga komplikasyong maidudulot nito. Ang mga komplikasyong maaaring maranasan sa pagpapalaglag ay: hemorrhage o pagsuka ng dugo, sepsis, peritonitis, trauma sa cervix, vagina, uterus, at sa mga abdominal parts. Noong 2008, mahigit na 90,000 kababaihan ang nakaranas ng mga komplikasyon ng aborsyon at 1,000 rito ang namatay.

Alam kong hindi lamang ang mga babaeng buntis ang nagpasyang sumailalim sa ganoong mga operasyon. Alam kong ang isang Pilipina ay takot sa hirap na dadanasin ng pagpapalaglag. Makukunsensya ito dahil ang nilalang sa kanyang sinapupunan ay kanyang anak na kumakapit, nagtitiwala at umaaasa sa kanyang ina na bibigyan niya ito ng magandang buhay. Marahil ay isang daang beses pa ito pinag-isipan ng babae bago niya ito ipalaglag o kumokonsulta siya sa mga malalapit sa kanya. Ang pagpapalaglag ng bata ay dala lamang ng takot at ng kahirapan, ngunit marami itong kapalit. Una rito ay ang parusa mula sa Diyos, ikalawa ay ang parusa na dala ng kunsensya, at ikatlo ay parusa na dala ng batas. Dapat nating isipin na tayo rin ang gumagawa ng ating sariling ikababagsak. Dapat lagi tayong humihingi ng tulong sa Diyos upang harapin ang bawat problemang dumarating. Ang aborsyon ay hindi ang solusyon.








The state recognizes the sanctity of family life and shall protect and strengthen the family as a basic autonomous social institution. It shall equally protect the life of the mother and the life of the unborn from conception.

-Article 2, Section 12 of the 1987 Constitution of the Republic of the Philippines 

No comments:

Post a Comment